Skip to main content
Press Release

Kagawaran ng Hustisya Nakuha ang Makasaysayang Kasunduan sa County ng Los Angeles upang Madagdagan ang Aksesibilidad para sa Botanteng may mga Kapansanan

Para sa Pang-agarang Paglathala
Tanggapan ng Ugnayang Pampubliko

Inanunsyo ngayong araw ng Kagawaran ng Hustisya na naabot nito ang makasaysayang kasunduan sa County ng Los Angeles upang maresolba ang isinampa nitong kaso na nagsasabing nilabag ng county ang Batas sa mga Amerikanong may mga Kapansanan (Americans with Disabilities Act, ADA) sa pamamagitan ng pagkakait sa mga botanteng may mga kapansanan ng pantay na oportunidad na makibahagi sa mga programa, serbisyo at aktibidad nito ng pagboto noong nabigo ito sa pagpili at paggamit ng mga pasilidad sa mga lugar ng botohan na maa-access ng mga taong may mga kapansanan.

"Ang mga taong may mga kapansanan ay nararapat na ganap na mapabilang sa kahon ng balota," wika ng Katulong na Pangkalahatang Abogado na si Kristen Clarke ng Dibisyon para sa mga Karapatang Sibil ng Kagawaran ng Hustisya. "Nakatuon ang Kagawaran ng Hustisya sa pagprotekta sa karapatan ng bawat karapat-dapat na botante, kabilang ang mga botanteng may mga kapansanan, upang makibahagi sa ating proseso ng halalan. Ang kasunduang ito ay dapat maghatid ng mensahe sa mga opisyal sa buong bansa hinggil sa pangangailangan na matiyak ang aksesibilidad ng proseso ng pagboto sa kasalukuyan."

"Ang karapatang bumoto ay mahalaga sa ating demokrasya at kailangang maprotektahan para lahat ng botante," wika ng Abogado ng U.S. na si Martin Estrada para sa Pangunahing Distrito ng California (Central District of California). "Ang mga botanteng may mga kapansanan ay nararapat sa pantay sa oportunidad na bumoto sa personal, nang pribado at nang malaya, kasama ang kanilang mga kapitbahay at kaibigan. Pinupuri namin ang County ng Los Angeles sa pangako nitong makipagtulungan sa Kagawaran ng Hustisya upang matiyak ang pantay na pag-access para sa mga indibidwal na may mga kapansanan." 

Isinampa ang kaso noong Hunyo 2023 pagkatapos ng mahabang imbestigasyon na natagpuan na hindi isinama ng county ang mga indibidwal na may mga kapansanan sa pagsali sa sa-personal na programa ng pagboto sa county. Ang Tanggapan para sa Pangunahing Distrito ng California (Office for the Central District of California) ng Abogado ng U.S. ay nagsarbey ng daan-daang lugar ng botohan sa mga halalan noong Hunyo 2016, Marso 2020, Nobyembre 2020 at Nobyembre 2022 at natagpuan na ang karamihan ay may mga arkitektural na hadlang, tulad ng matatarik na rampa, biglaang mga pagbabago ng taas ng mga lalakaran at pintong papasukan, at kakulangan ng maa-access na paradahan. Ang mga hadlang na ito ay pumigil sa mga taong may mga kapansanan sa pagkilos at paningin na makapunta sa mga sentro ng botohan nang ligtas at bumoto sa personal. Sinasabi rin sa kaso na ang programa ng pagboto sa bangketa (curbside voting program) ng county ay hindi ma-access, dahil may ilang sentro ng botohan na kulang sa karatula na nagsasaad na mayroong pagboto sa bangketa o nabigo sa pagkakaloob ng sapat na pamamaraan kung saan kayang makipag-ugnayan ng botante sa isang manggagawa sa halalan para sa tulong sa pagboto sa bangketa.

Ang kasunduan, na inihain sa hukuman ngayong umaga, ay dadagdagan ang aksesibilidad para sa mga botanteng may mga kapansanan. Sa ilalim ng kasunduan, makikipagtulungan ang County ng Los Angeles sa independiyenteng eksperto sa aksesibilidad ng tatlong taon sa mga patakaran at pamamaraan ng pagpili ng lugar upang matiyak na pinipili ng county ang mga lokasyon ng sentro ng botohan na maa-access o maaaring gawing mas maa-access sa panahon ng pagboto sa pamamagitan ng paggamit ng mga pansamantalang hakbang sa pagremedyo. Sumang-ayon ang county na makipagtulungan sa mga eksperto at ipatupad ng kagawaran ang mga rekomendasyon ng eksperto. Magbibigay ang eksperto ng mga ulat ng dalawang beses sa isang taon sa kanilang mga natuklasan sa county at sa kagawaran. 

Sa mahigit 500 pulitikal na distrito at tinatayang 4.3 milyong rehistradong botante, ang County ng Los Angeles ay ang pinakamalaking hurisdiksyon ng halalan sa bansa.

Ang imbestigasyon sa County ng Los Angeles ay bahagi ng Inisyatiba sa Pagboto ng ADA ng kagawaran, na nakatuon sa pagprotekta sa mga karapatan sa pagboto ng mga indibidwal na may mga kapansanan sa buong bansa. Ang higit pang impormasyon tungkol sa pagboto at mga halalan ay makukuha sa website ng Kagawaran ng Hustisya sa www.justice.gov/voting. Para sa higit pang impormasyon hinggil sa Dibisyon para sa mga Karapatang Sibil, mangyaring bumisita sa www.justice.gov/crt. Para sa higit pang impormasyon hinggil sa ADA, mangyaring tawagan ang walang bayad na Linya para sa Impormasyon ng ADA sa 1-800-514-0301 (TTY 1-833-610-1264) o bumisita sa www.ada.gov. Kung naniniwala kang ikaw ay nadiskrimina batay sa kapansanan, mangyaring magsumite ng ulat online sa www.civilrights.justice.gov. Ang Katulong na Abogado ng U.S. at Pinuno ng Seksyon para sa mga Karapatang Sibil na si Richard Park at ang mga Katulong na Abogado ng U.S. na sina Katherine Hikida, Matthew Barragan, Margaret Chen at Alexandra Young para sa Pangunahing Distrito ng California ay pinangasiwaan ang bagay na ito, kasama ang Seksyon para sa mga Karapatan ng may Kapansanan ng Dibisyon para sa mga Karapatang Sibil ng Kagawaran ng Hustisya.

Noong nakaraang buwan, idinaos ang ika-34 na anibersaryo ng ADA, na nilagdaan ni Pangulong George H.W. Bush upang maging batas noong Hulyo 26, 1990. Ang ADA ay ang kauna-unahan sa mundo na komprehensibong batas sa mga karapatang sibil para sa mga indibidwal na may mga kapansanan. Habang ipinagdiriwang namin ang ika-34 na anibersaryo ng ADA, naglalaan kami ng panahon upang kilalanin ang mga kapakinabangan ng ADA, habang nagpapasalamat din na mayroon pa ring dapat gawin upang maisakatuparan ang mga nagtatagal na layunin ng ekidad, ingkluson, at aksesibilidad para sa mga indibidwal na may mga kapansanan.

Binago Agusto 14, 2024

Paksa
Civil Rights
Voting and Elections
Numero o bilang ng Press Release : 24-958